-- Advertisements --

Pumalag si Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teodoro Locsin, Jr. laban sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa umanong isantabi ang arbitral ruling sa West Philippine Sea kasabay ng inaasahang joint exploration doon ng estado at China.

Sa isang panayam sinabi ni Locsin na malaking problema ang aasahang kapalit ng gobyerno kapag tuluyan nitong hinayaan na makompromiso ang desisyong ikina-panalo ng Pilipinas kontra sa Beijing at iba pang estado na nang-aangkin sa teritoryo.

Nitong Martes nang aminin ni Duterte na hinimok siya ni Chinese Pres. Xi Jinping sa kanilang huling meeting na isantabi na ang ruling ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 at hayaan ang mga Chinese na pumasok dito.

“Set aside your claim. Then allow everybody connected with the Chinese companies,” ani Duterte.

“They want to explore and if there is something sabi nila, ‘We would be gracious enough to give you 60%.’ Forty lang ang kanila. That is the promise of Xi Jinping.”

Giit ng kalihim, pag-aari ng mga Pilipino ang desisyon ng The Hague at karapatan ng bawat isa na panghawakan ito.

Una ng nanindigan ang presidente ng China sa hindi nito pagkilala sa desisyon ng korte.

Patuloy namang pina-plantsa ng mga otoridad ang panukalang joint exploration matapos lumagda ng kasunduan ang dalawang bansa noong nakaraang taon hinggil dito.