MANILA – Binigyang diin ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teodoro Locsin Jr. ang pagtutol na maibenta ang mga ari-arian ng Pilipinas sa Japan.
Pahayag ito ng kalihim sa gitna ng umano’y mga panukala at mungkahi na ibenta ng bansa ang mga property nito sa dayuhang estado.
Sa pagharap ni Locsin sa hearing ng Senate Committee on Foreign Relations nitong Huwebes, inamin niyang may mga narinig na siyang mungkahi sa pagbe-benta ng mga ari-arian ng bansa pero hindi na umano niya ito inusisa pa.
Ilan sa mga ari-arian ng Pilipinas na nasa Japan ang isang residential area sa Roppongi district at isang gusali sa Shibuya district ng Tokyo.
Mayroon ding dalawang property na nasa probinsya ng Kobe.
Naging pag-aari ang mga ito ng bansa matapos ang World War II, na bahagi ng reparation sa ilalim ng 1956 agreement.
Magugunitang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon na balak niyang ibenta ang mga ilang property ng bansa sa Japan para madagdagan ang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Hanggang sa ngayon wala pa ring napapanagot sa issue ng umano’y ninakaw na P15-billion fund sa state-health insurer.