-- Advertisements --

Nanawagan si Interior Sec. Eduardo Año sa publiko na maging responsable sa pagpo-post at share ng mga impormasyon sa internet.

Ito’y matapos mabiktima ng sinasabing “fake news” ang kanyang kapwa cabinet official na si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr.

Sa isang panayam iginiit ng Department of Interior and Local Government (DILG) secretary na sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, may probisyon laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon ngayong may krisis sa COVID-19 pandemic.

Nitong Sabado nang aminin ni Sec. Locsin sa kanyang Twitter page na mali ang impormasyon na kanyang nai-share online tungkol sa video ng mataong palengke sa Divisoria.

Nakatanggap daw siya ng tawag mula kay Manila City Mayor Isko Moreno na nagbigay linaw sa kumalat na post.

“I just got a call from Mayor Isko. This is an old video. THIS IS FAKE NEWS. IGNORE THIS SH*T. I WILL ASK MY FRIEND WHY HE POSTED IT. THIS IS NOT TRUE,” ani Locsin.

Payo ni Sec. Año ,na kung batid nang mali ang impormasyon sa nakitang post online ay agad ding ipaalam na hindi ito tama o beripikado para hindi na tuluyang kumalat.

Dagdag pa ng kalihim, may cybersecurity experts ang pamahalaan para i-trackdown ang pinanggagalingan ng maling sources.

Tiniyak naman ng DILG secretary na bibigyan ng due process para maka-depensa ang sino maiimbestigahan dahil sa fake news.