Hindi na raw kailangan pang umabot sa pagpapa-ban sa mga sinehan ang isang Hollywood animated film na may eksenang nagpapakita ng nine-dash line ng Beijing sa South China Sea.

Ito ang sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. matapos ipa-ban ng Vietnam sa kanilang bansa ang pelikulang “Abominable” ng DreamWorks ng Amerika at Pearl Studio ng China.

Ayon kay Locsin dapat tanggalin ang kontrobersyal na eksena kung nais itong ipalabas sa mga sinehan sa bansa.

“Of course they should cut out the offending scene which will show our displeasure better than if we unconstitutionally ban it as some suggest,” ani Locsin sa kanyang Twitter page.

Una ng sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na nasa kamay ng concerned agencies gaya ng MTRCB ang desisyon kung hindi ipapalabas ang naturang pelikula o magtatapyas lang ng eksena rito.

Taong 2016 nang ibasura ng Permanent Court of Arbitration ang nasabing claims ng China, kung saan kinilala rin nito ang sovereign rights ng Pilipinas sa naturang teritoryo.