-- Advertisements --

LA UNION – Wala umanong nangangahas na lumabag sa ipinapatupad na lockdown sa bansang Kuwait dahil umano sa laki ng babayaran ng sino mang lalabag dito.

Sa ulat ni Bombo International News Correspondent Helen Jimenez, tubo ng bayan ng Bauang sa La Union at isang overseas Filipino worker (OFW) sa bansang Kuwait, sinabi nitong aabot sa 10,000 Dinar o katumbas ng P1.62 milyon ang babayaran ng sino mang lalabag.

Ayon sa kanya, takot ang mga tao sa nasabing bansa at ipinagpapasalamat nila ito upang hindi na kumalat pa ang virus dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kaugnay nito, tatlo pa lang ang naitalang namatay habang may higit 1,000 ang COVID-19 cases sa bansang Kuwait.

Bagamat wala umano silang tulong na natatanggap mula sa Kuwaiti Governement ay may ayuda naman na galing sa Department of Labor & Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na $200 o P10,000 para sa mga “no work no pay” na mga OFW’s.

Sa kabilang bansa, kasama naman sa bayanihan ng Filipino community na tumulong sa mga kapwa nila kapos lalo na sa tatlong lugar doon na nasa total lockdown 24 oras.

Samantala magtatapos naman ang lockdown sa nasabing bansa sa Abril 26 na nag-umpisa noon pang buwan ng Pebrero.