KORONADAL CITY – Mas pinalawig pa hanggang Hulyo 24 ang ipinatupad na lockdown sa Sitio Awal, Brgy. Lamba, Banga, South Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Banga Mayor Albert Palencia sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal, kung saan nagsimula umano ang 14-day lockdown noong Hulyo 11.
Parehong petsa kung saan isinailalim sa swab test ang returning overseas Filipino workers (OFWs) na nagpositibo sa COVID-19, batay sa pag-uusap nila ni IPHO chief Dr. Rogelio Aturdido Jr.
Dagdag ni Mayor Palencia, patuloy rin nilang tinututukan ang 26 katao na nakasalamuha ng ROF na dadalhin sa isolation facility at isasailalim sa swab test ang sinomang makikitaan ng sintomas ng virus.
Tiniyak naman nito ang tulong sa mga apektadong residente sa pamamagitan ng pamamahagi ng relief packs, maging ang leaflets bilang paalala sa mga parusa sa mga lalabag sa quarantine procedures.