Naglabas ng ulat ang World Health Organization (WHO) upang bigyang‑babala ang publiko tungkol sa lokal na transmisyon ng clade Ib monkeypox virus (MPXV) sa mga bansang dati’y walang kaso o may mga kasong may kaugnayan lamang sa paglalakbay.
Ipinahayag sa abiso na matapos maalis ang ikalawang public health emergency of international concern (PHEIC) para sa mpox noong Setyembre, patuloy pa ring umiikot sa iba’t-ibang rehiyon ang mga clade I at II ng virus, na nagdudulot ng malalaking paglaganap lalo na sa ilang bansa sa Africa.
Kumpirmado na rin ang mga kaso ng clade Ib MPXV sa apat na rehiyon ng WHO mula Setyembre, karamihan ay sa mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki na walang kasaysayan ng paglalakbay, na nagpapahiwatig ng lokal na hawahan.
Bagama’t sapat ang surveillance systems ng maraming bansa, nananatiling hamon ang masusing imbestigasyon, contact tracing, at pagpapatupad ng mga hakbang pangkalusugan upang mapigil ang pagkalat.
Kadalasang gumagaling ang mpox sa loob ng dalawa hanggang apat na linggo, ngunit mahalaga ang maagap na pag-access sa serbisyong pangkalusugan upang maiwasan ang komplikasyon, lalo na sa mga taong may mahinang resistensya.
Tinataya ng WHO na katamtaman ang panganib ng clade Ib MPXV para sa mga nagkaroon ng sexual encounter at mababa naman para sa pangkalahatang populasyon sa karamihan ng bansa.















