-- Advertisements --

Pinabulaanan ni Civil Service Commission (CSC) chairperson Aileen Lizada ang mga lumalabas na ulat hinggil sa otomatikong pagpasa sa Civil Service Exam ng takers nito habang nasa quarantine period ang bansa.

Sa pagharap ni Lizada sa Laging Handa virtual briefing, tinawag nitong fake news ang kumakalat na Facebook post tungkol dito.

“Ito po ay fake news. Ang pagpasok sa gobyerno ay based on merit and fitness. Kung ngayon pa lang hindi na kayo nagsasabi ng totoo, ano pa kaya pag naging kawani na kayo ng gobyerno?,” giit ng opisyal.

Kinumpirma ng CSC chairperson na itutuloy pa rin nila ang taunang exam ngayong taon kahit wala pang itinatakdang petsa.

“Nakasanayan natin ang twice a year paper and pencil exam, pero meron ding computerized. We need to restructure our twice a year exam at baka we might go monthly, depende sa kakayahan ng regions. Kasi iyong ibang regions, mahina ang signal nila.”

Sa ngayon may mga inaayos pa raw ang komisyon tulad ng posibilidad ng online filing sa mga mag-aapply sa exam.