-- Advertisements --

Mistulang kinwestyon ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Liza Diño ang pagtanggal sa kanya ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danny Lim bilang miyembro ng Metro Manila Film Festival (MMFF) Executive Committee (ExeCom).

Ayon sa dating beauty queen, nirerespeto nila ang desisyon ng MMFF ExeCom pero hiling na dumaan sa proseso.

“Kung ‘yun ang magiging desisyon ng MMFF, tatanggapin namin nang maluwag ‘yun. Pero sa bawat desisyon na ganito, dapat may proseso tayong sinusunod,” saad ng partner ng singer na si Aiza Seguerra sa isang panayam.

“So, kung wala tayong prosesong sinusunod at sabihin at puwede nang magtanggal ng kahit sino, it gives other…how can we be assured na may due process sa ganitong bagay?” dagdag nito.

Samantala, itinanggi rin ng 2001 Mutya ng Pilipinas-Tourism International ang usap-usapang nagla-lobby sila ni Ice Seguerra sa Kongreso para mapunta sa FDCP ang pag-handle ng MMFF.

Kung maaalala, tila napipikon na si MMDA spokesperson Celine Pialago sa pagsasabing dapat ay inaayos muna maigi ng FDCP ang kanilang local film festival na Pista ng Pelikulang Pilipino bago pag-intersan ang MMFF na mas malaking Filipino movie festival.

Si Pialago ay naging kontrobersyal sa Miss Philippines Earth 2014 dahil sa maling paglalarawan nito sa hinimatay na co-candidate kung saan kanyang sinabi sa panayam na “she passed away.”

Giit naman ni Diño, ang kanilang nila-lobby sa Kongreso ay ang Eddie Garcia Bill na ipinangako raw na target maipasa sa darating na Setyembre.

Ang nasabing panukala ay may layuning protektahan ang mga mangagawa sa pelikula.

June 8 noong nakaraang taon nang ma-comatose si Tito Eddie matapos mapuruhan ang cervical spine nang mapatid sa gitna ng taping.

Nag-agaw buhay ito sa intensive care unit ng ospital bago tuluyang pumanaw sa edad na 90, pagkatapos ng dalawang linggo.