Umapela si Sen. Bong Go sa national government na bigyan din ng suporta ang mga manggagawang nasa industriyang hindi pa nakakabalik ng operasyon dahil sa social distancing at community quarantine measures na ipinatutupad sa bansa.

Sinabi ni Sen. Go, kabilang dito ang mga nasa live events organizing na wala pa ring pagkakakitaan habang bawal pa ang mass gatherings.

“Dahil sa COVID-19, may mga industriya talagang hindi makapag-operate ngayon. Bawal ang pagtitipon kaya tulad nung mga nasa live events organizing, kailangan maghanap ng ibang pagkakakitaan,” ani Sen. Go.

Ayon kay Sen. Go, partikular na dapat matulungan ang mga ordinaryong manggagawa sa produksyon o mga crew sa entertainment industry na hirap makabalik sa kanilang kabuhayan.
Kabilang pa sa mga live events industry ang mga meetings, conferencing, exhibitions, concerts involving international and local artists, theatrical productions, corporate, social, cultural, fashion, sporting, and club events, weddings and family celebrations, trade fairs and exhibits, on-ground activation at sampling activities.

“Bukod pa diyan, ang mga tao sa entertainment industry ay apektado rin po, lalong lalo na ‘yung ordinaryong manggagawa tulad nung parte ng mga production crew bilang halimbawa. Ito po ‘yung mga kababayan nating bumubuhay sa industriya ng sining na ngayon ay hirap makabalik sa kabuhayan nila,” dagdag ni Sen. Go.

“Tulungan nating mapagaan ang pinapasan ng mga nasa ganitong uri ng industriya. Wala pong dapat mapabayaan sa panahon ngayon. Magbayanihan tayo para malampasan ang krisis na ito at makabangon agad ang bawat Pilipino.”