CEBU CITY – Ibinida ni Lapu-Lapu City Mayor Junard Ahong Chan na ang tinaguriang open-water swimmer na si Cleevan “Little Merman” Alegres ang kauna-unahang Oponganon na nakaikot sa buong Mactan sa pamamagitan ng paglangoy.
Natapos ni “Little Merman” ang paglangoy sa loob ng 17 oras, 37 minuto at 35 segundo, ang 44-kilometer na kahabaan paikot sa isla.
Nagsimula itong lumangoy pasado alas-5:00 ng hapon noong Linggo, Abril 25, at natapos naman alas-10:37 ng umaga kahapon.
Ayon sa alkalde, isa itong karangalan sa lungsod at sa mga Oponganon sa pambihirang pangyayaring nasaksihan.
Isa din aniya itong highlight sa pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng Tagumpay sa Mactan.
Sa pamamagitan ng resolusyon sa konseho, opisyal na pinarangalan si Cleevan kasabay ng pagbigay sa kanya ng P100,000 cash incentive.
Ginawaran din ito ng P42,000 cash mula sa Mactan Electric Company.