Ibinahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na isinasapinal na nito ang “Listahanan 3” o ang ikatlong assessment ng mga mahihirap na kabahayan sa bansa.
Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao na ginagawa ng ahensya ang lahat ng makakaya nito para makumpleto ang Listahanan 3.
Nasa last stage na aniya ang proseso para isapinal ang Listahanan at matukoy kung sino at saan ang mga mahihirap na kabahayan na nangangailangan ng tulong.
Ang Listahanan o National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) ay isang information management system na layunin na magkaroon ng database ng mga mahihirap na kabahayan. Magiging basehan din ito ng identification ng mga benepisyaryo para sa iba’t ibang social protection programs at services.
Dagdag pa ni Dumlao na isa rin sa mga layunin ng proyektong ito ay padaliin ang identification ng mga beneficiaries at distribusyon ng anumang tulong sa kanila.
Ipinagmalaki rin nito ang posibilidad ng “automated list” para pabilisin ang pamamahagi ng ayuda sa mga low-income at vulnerable sectors.
Noong Marso, inihayag ng DSWD na mahigit 14.4 million mahihirap na kabahayan sa buong bansa ang kanilang naitala. Target ng ahensya na i-assess ang 16.1 million kabahayan sa ilalim ng Listahanan 3.