Pumalag si Quezon 4th District Rep. Angelina Helen Tan sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa listahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na isinumite kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga kongresista na umano’y sangkot sa katiwalian.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Tan na hindi dumaan sa imbestigasyon o wastong validation ang listahan na ito, kaya hindi aniya malinaw sa kanya kung ano ang intensyon ng PACC sa pagdawit dito ng kanyang pangalan, na binasa ni Pangulong Duterte sa kanyang public address kagabi, Disyembre 28, 2020.
“Ako I am pretty sure wala silang investigation or validation, kasi kung ako ang naisulat sa PACC na kino-complain ay wala naman akong na-receive anything from PACC. Hindi naman sila nag-furnish sa akin ng kopya na may nagrereklamo sa akin. Hindi ko maintindihan kung ano ang intensyon nung sumulat,” ani Tan.
Mismong si Pangulong Duterte na rin aniya nagsabi na wala namang kongretong ebidensya na nagdidiin sa kanya at iba pang mga nadawit na kongresista sa issue ng korapsyon sa mga infrastructure projects.
Sinabi ni Tan na ang pagkakasama ng kanyang pangalan sa listahan ng PACC ay nag-ugat sa “botched up” project ng Department of Public Works and Highways noong 2016.
Ito ay ang Gumaca Bypass Road, na nagkakahalaga ng P800 million, at idinisensyo para mapaiksi ang travel time ng mga motorista sa Gumaca, Quezon.
“Obviously hindi naman ako ang responsible sa pagpapagawa ng proyekto kundi ang DPWH. Ang ginagawa ko is to ensure na well funded ang proyekto kasi ako rin ang proponent niya way back 2016,” saad ni Tan.
Sa ngayon, may bahagi pa ng Gumaca Bypass Road na hindi pa nasesemento, pero umaasa ang kongresista na matatapos ito sa loob ng kanilang five-year timeframe.
Sa isang statement, binigyan diin ni Tan na dumaan sa “proper course” ang naturang proyekto para matiyak na mismong ang kanyang mga constituents at mga kalapit na probinsya ang magbebenepisyo nito.
“[A]s proof, even the DPWH cited the said project in their official website as part of the agency’s deliverables. Had there been issues regarding its construction and implementation, it should be DPWH’s responsibility being the sole agency mandated to conduct all construction operations of public infrastructure of the state,” dagdag pa nito.
Sinabi ni Tan na hangga’t maari ay ayaw niyang isipin na nagagamit sa politika ang PACC.
“Sana ma-serve nila ang purpose nila at huwag silang magpagamit. Pero ako, sa sarili ko, kahit sa anong anggulo ko tingnan, wala akong nakikitang liability sa pagkasira ng daan na iyon. In fact, ginawa ko iyon, nag-propose ako para sa ikagagaling ng aming bayan, ng mga biyahero at gumanda ang ekonomiya sa aming bayan,” wika ni Tan.
Kung mayroon man aniyang dapat imbestigahan ay hindi siya kundi ang contractor at DPWH, na siyang implementing agency sa binabanggit niyang proyekto.
Nang matanong naman kung ano ang masasabi niya kay Pangulong Duterte, emosyunal na iginiit ni Tan na malinis ang kanyang konsensya at kung gaano kahalaga para sa kanya ang kanyang pangalan gayundin ng kanyang pamilya.
“Pero sa akin lang, napakahalaga ng pangalan ko. Hindi ako sikat na politiko. Hindi rin ako galing sa malaking pamilya, pero mahalaga sa akin ang pangalan ko. Sobrang mahalaga sa akin ang pangalan ko. Doktor pa ako. Sobrang nakaka-disappoint na ginaganon ang pangalan. sana lang ay ina-analyze ng mabuti,” dagdag pa nito.
Sa ngayon, sinabi ni Tan na nais niyang makausap ng personal si PACC Commissioner Greco Belgica at hingiin dito na humingi ito ng paumanhin sa kanya.
Binigyan diin din ni Tan na handa siyang harapin ang anumang imbestigasyon na ilulunsad sa kanya.
Bukod kay Tan, kasama sa listahan ng PACC sina Representatives Josephine Ramirez Sato, Alfredo Vargas, Henry Ramil Juminal, Alicia Sienna Tan, Paul Daza, Eric Yap, at Geraldine Roman, at dating Congressman Teddy Baguilat Jr.