-- Advertisements --

Nilinaw ni Philippine National Police Deputy Spokesperson Lt. Col. Kimberly Molitas na listahan ng mga pinalayang heinous o karumal-dumal na crime convicts na pinalaya sa ilalim ng GCTA (Good Conduct Time Allowance) Law ang tanging nakuha nila sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ito aniya ang dahilan kung bakit may mga presong sumuko sa PNP na wala sa listahan ng BuCor.

Sa inilabas na datos ng PNP kaninang alas-7:00 ng umaga, nasa 326 sa kabuuang 457 inmates ang pinalaya sa GCTA na sumuko sa PNP ang wala sa listahan ng Bureau of Corrections.

Ayon kay Molitas, ang mga wala sa listahan ay ‘yaong may mga magagaang kaso na nabiyayaan din ng GCTA at nagkusang sumuko.

Una nang sinabi ni National Capital Region Police Office Director Maj. Gen. Guillermo Eleazar na iti-turnover lang nila sa BuCor ang lahat ng sumuko sa kanila at ipapaubaya ang pagproseso sa mga ito.

Sa kabuuan ay 1,914 heinous crime convicts na napalaya sa GCTA ang pinapasuko ng pangulo bago ang kanyang itinakdang September 19 deadline.