Nakahanda na ngayon ang listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga benepisyaryo ng kanilang educational assistance program.
Inihayag ito ni DSWD Secretary Erwin Tulfo sa ginanap na MOA signing ngayon kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
Kasunod ito ng paglilinaw ni Interior Sec. Benhur Abalos na mismong ang DSWD ang gagawa ng listahan ng mga beneficiaries at hindi mga local executives.
Ayon kay Tulfo, sa ngayon ay tuluy-tuloy ang kanilang isinasagawang proseso hinggil sa naturang pamamahagi ng ayuda na kanila namang ibibigay sa mga benepisyaryo alphabetically sa buong bansa na magsisimulang muli sa darating na Sabado, August 27.
Sa ngayon ay pinag-uusapan pa ng dalawang kagawaran kung saan isasagawa ang pamamahagi ng naturang ayuda para sa mga mag-aaral lalo na ngayong ipadadaan na sa mga local government unit ang pamamahagi nito.
Layunin ng pagtutulungan na ito ng DSWD at DILG na maayos na maipamahagi ang educational assistance sa mga mag-aaral na nangangailangan mula sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.










