-- Advertisements --

Binalaan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III ang mga recruitment agencies na nagpapadala ng mga menor de edad sa ibang bansa sa pamamagitan nang pagpeke sa edad ng mga biktima.

Ito ay matapos na makatanggap ng impormasyon si Bello na isa sa 83 repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs) noong nakaraang linggo mula Riyadh, Saudi Arabia ay 17-anyos lamang.

‘Yung agency na nag-deploy sa minor ay ipapakansela natin ang kanilang lisensya dahil sa illegal na pagpapadala ng isang household service worker na underage, biro mo mahigit 15 years old lang yung pinadala nya. Maliwanag na kalokohan itong ginawa ng agency na eto, walang karapatan na maging agency yan walang karapatang magkaroon ng lisensya dapat ikansela agad,” ani Bello.

Ayon sa biktima na kinilala lamang bilang si Tanya, 15 lamang ang kanyang edad noong pumunta siya ng Saudi Arabia para magtrabaho bilang katulong.

Minamaltrato, hindi sinasahuran, at pinatutulog aniya siya sa kanilang rooftop sa loob ng tatlong linggo.

Ang batch ng 82 distressed OFWs na dumating noong Lunes, Setyembre 23, ay humingi ng tulong sa Bahay Kalinga sa Riyadh bago pa man sila nakauwi ng Pilipinas.