Itinuturing pa rin ni Philippine Azkals coach Scott Cooper na mayroon pa ring matinding line-up ang kanilang koponan na sasabak sa AFF Suzuki Cup 2020 na gaganapin sa Singapore sa darating na Disyembre 5.
Ito ay kahit na hindi nakasama ang ilang manlalaro na kanilang nais na maisali sa listahan.
Paliwanag ni Cooper na karamihan sa mga manlalaro ang hindi pinayagan ng kanilang club na pakawalan.
Ilan kasi sa mga hindi nakasama na manlalaro sa line-up ng Azkals ay sina Jarvey Gayoso, Manny Ott, Carli De Murga, Michael and Matthew Baldissimo, Sebastian Rasmussen, Adian Ugelvik, Josh Grommen, Patrick Deyto at Randy Schneider.
Magugunitang pangungunahan ni team captain Stephan Schrock ang 27-man lineup kasama ang mga beteranong sina Patrick Reicheilt, Mike Ott, Martin Steuble, Angel Guirado at Kenshiro Daniels na sasabak sa nasabing torneo.
Makakaharap ng Azkals ang Singapore sa Disyembre 8, Timor Leste sa Disyembre 11, Thailand sa Disyembre 14 at Myanmar sa Disyembre 18.