-- Advertisements --

Magsasampa ng kaso ang Commission on Elections (Comelec) laban sa limang indibidwal na naglalako umano ng “fake news” sa social media hinggil sa 2022 elections.

Ayon kay Commissioner George Garcia. ni-refer na niya sa National Bureau of Investigation (NBI) ang limang pagkakataon kung saan “nasira” ang kredibilidad at integridad ng electoral process.

Gayunpaman, muling iginiit ni Garcia na ang poll body ay kontra lamang sa fake news o maling impormasyon at hindi sa mga kritisismo o komentaryo laban sa kanila.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng malayang pagpapahayag at ginagarantiyahan na hindi magsasampa ng kaso laban sa mga naglalabas lamang ng kanilang opinyon hinggil sa halalan.

Dagdag pa ni Garcia na sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang mga naglalako ng disinformation sa mga botante ay maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon.

Nauna nang itinatag ng Comelec ang Task Force Kontra Fake News para labanan ang disinformation at kontrahin ang anumang pagtatangka na pahinain ang kredibilidad ng electoral process.

Napag-alaman na si Garcia ang namumuno sa task force.