Inatasan ng pamunuan ng PNP ang mga police station sa ibat ibang bahagi ng bansa na tumulong sa pag-monitor sa mga posibleng magsasagawa ng hoarding at profiteering sa mga lugar na unang naideklara sa ilalim ng State of Calamity.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief Col. Red Maranan bahagi ito ng pagtulong ng PNP sa mga residente na labis na naghihirap matapos ang naging epekto ng supertyphoon.
Kabilang din ito aniya sa mga tungkulin ng Pambansang Pulisya sa mga panahong may tumatamang malalakas na kalamidad sa bansa.
Sa kasalukuyan ay ipinatupad na rin ng PNP ang “Adopt a Region” program kung saan susupurtahan at tutulungan ng mga Police Regional Office ang mga rehiyon sa bansa na naapektuhan ng matindi.
Kinabibilangan ito ng mga sumusunod:
Ang NCRPO ang susuporta sa PRO 1; ang PRO 3 naman ang tutulong sa PRO 2; at ang PRO 4A ang aalalay sa PRO COR,
Maalalang una nang ipinag-utos ng pamunuan ng PNP ang pagtulong ng kapulisan sa mga labis na naapektuhan ng Supertyphoon Egay, sa pamamagitan ng mga food bank ng bawat PRO.
Dito ay ipinamamahagi ng PNP ang mga nalilikom nitong mga pagkain at pondo mula sa mga mismong miyembro, at iba pang donors.