Naaresto ng Philippine National Police-Criminal Investigation Group (PNP-CIDG) ang lider ng gun running syndicate na hinihinalaang sangkot sa mga nagsusuplay ng baril at bala sa Maute Terror Group sa Marawi City.

Kinilala ni PNP chief police director Gen. Ronald Dela Rosa ang nahuling lider ng grupo na si Romeo Litan, matapos salakayin ng mga otoridad ang iligal na pagawaan nito sa Lipa City, Batangas.

Batay sa record ng PNP-CIDG, lumilitaw na mula noong December 2015 ay nasa 671 na pekeng Spikes HPGA 5.56 caliber ang naibenta ng grupo ni Litan kung saan ilan dito ay narekober mula sa Marawi City na ginagamit ng teroristang Maute.

“Ito yung baril na narecover, take note yung gun niya, yung spikes, yung seal, maaalala ninyo merong pictures dito, high powered firearms siezed in Marawi, kasagsagan ng giyera sa Marawi, ito yung mga armas na narecover. Tingnan niyo ang kulay, ang tatak, yung brand, pareho. Meron pa dito the same ang tatak,” pahayag ni Dela Rosa.

Ibinunyag din ni Dela Rosa na ang mga baril na iprinisinta kanina sa media ay talagang narekober sa Marawi kung saan ang grupo ni Litan ang siya pang nagpintura.

Sa kabilang dako, ayon kay PNP-CIDG chief police Dir. Ruel Obusan, patuloy ang imbestigasyon kay Litan matapos mapag-alaman na kabilang sa mga sinusuplayan nito ang ilang politiko, militar, pulis at mga grupo ng mga kriminal.

“Kinasuhan na natin siya sa iligal na paggawa at kawalan ng lisensiya, however dahil doon sa hawak naming record book, kung saan saan napunta ang mga baril, may mga leads na tayo kung ilan ang napunta sa Marawi, ilan ang napunta sa politicians, pulis at sa military,” pahayag ni Obusan.

Sa ngayon hindi pa mai-connect sa rebelyon dahil wala pang ebidensiya para sa kaso.

Kumpirmado rin ni PNP Firearms and Explosive Office na walang license to manufacture, license to repair, license to gunsmithing, license to operate, gunsmithing or manufacturing si Litan.

Binigyang-diin ni Obusan na dalawa ang trabaho ni Litan, isang refurbishing o repair at assembling o manufacture.