LEGAZPI CITY – Balik na sa normal ang operasyon ng mga pantalan sa rehiyong Bicol matapos na pormal nang ma-lift ang mga ibinabalang tropical cyclone wind signals dahil sa pagdaan ng bagyong Ramon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay CPO Nelson Jazo, substation commander ng Coast Guard Substation Matnog, dakong alas-6:00 kagabi nang umpisahan ang loading ng mga naantalang rolling cargoes at libu-libong pasahero sa malalaking barko.
Ipinagpapasalamat naman nito na maliban sa reklamo ng ilang pasahero ay mapayapa naman ang pagbabantay habang wala ring “distress call” na natanggap mula sa mga posibleng nagpumilit na maglayag.
Maging ang ilang pinalikas sa Albay mula sa mga landslide-prone areas sa Tiwi ay pinayagan na ring makauwi sa kani-kaniyang tahanan.
Ayon kay Joroan Punong Barangay Conchita Clerigo, kabilang ang barangay sa siyam na binabaan ng abiso sa mandatory preemptive evacuation, ligtas na ring nakabalik sa kanilang bahay ang nasa 79 na pamilya o 385 indibidwal na inilikas sa banta ng pagguho ng lupa.
Samantala, balik na rin ang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong eskwelahan sa Albay, Catanduanes at Sorsogon ngayong araw.















