Ikokonsidera ng Philippine National Police (PNP) na “fugitives” ang halos 2,000 bilanggo na pinalaya dahil sa Good Conduct Time allowance (GCTA).
Ito ang inihayag ni PNP chief Oscar Albayalde sakaling ma-invalidate ang release order para sa mga ito.
Ayon kay Albayalde, kung lumabas na hindi valid ang pagpapalaya sa mga presong ito ay maaaring ipatupad ang “warrantless arrest” laban sa mga ito.
Sinabi ng PNP chief na handa silang makipagtulungan sa Bureau of Corrections para ma-account ang lahat ng mga pinalayang preso kung kakailanganin na ibalik sa kulungan ang mga ito.
Kasalulukuyan aniyang sinusubaybayan ng PNP ang “developments” sa isyung ito, at handa silang tumalima sa anumang kautusan ng mga nakatataas kaugnay ng usaping ito.
Magugunitang kinuwestyon ng ilang mga mambabatas ang pagpapalaya sa mga nahatulan sa “heinous crimes,” gayong sinasabi na hindi kwalipikado ang mga ito sa GCTA Law.