-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinumpiska ng mga otoridad ang mga delata na napag-alamang mula sa Vietnam sa isinagawang operasyon laban sa African swine fever (ASF) sa Lungsod ng Legazpi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay City Veterinary head Dr. Emmanuel Estipona, kasamang nagsagawa ng operasyon ang National Meat Inspection Service (NMIS) at Food and Drug Administration (FDA) kung saan mahigit 1,400 na luncheon meat canned goods ang nadiskobre sa mga mall sa lungsod.

Ayon kay Estipona, pawang mula sa Vietnam ang mga nasabing produkto na isa sa mga bansang pinagbabawalan na ang pag-angkat ng meat products dahil sa outbreak ng ASF.

Posibleng masampahan ng kaso ang mga distributor ng naturang mga produkto na sadya umanong pinalitan ang label kung saan nagmula ang mga canned goods.

Samantala, kinumpirma ng opisyal na negatibo pa rin ang lungsod at ang kabuuan ng Bicol mula sa nakakahawang sakit na tumatama sa baboy.