-- Advertisements --

Kanya-kanyang istilo ngayon ang local government units (LGUs) para tugunan ang pangangailangan sa transportaasyon ng kanilang mga residente kasabay ng malawakang tigil pasada ng mga jeep.

Libreng sakay sa bus at e-jeepney ang sagot ng mga lokal na pamahalaan ng Muntinlupa, Las Piñas, at Marikina City.

Habang sa Valenzuela, sasakyan ng city search and rescue team ang ginamit para sa mga pasaherong hirap sumakay ng jeep.

Batay sa monitoring ng Department of Transportation (DOTr), hindi raw ramdam ang transport strike dahil marami pa ring jeep ang nabatid na pumapasada. Wala rin daw silang nakita na kumpol ng mga pasaherong stranded.

Pero sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni ACTO Pres. Efren De Luna na halos 100-porsyento na raw ng kanilang mga miyembro sa buong bansa ang hindi muna pumasada ngayong araw.

Nilinaw naman nito na hindi sapilitan ang kanilang panghihimok sa mga miyembro na makisali sa tigil pasada.

Naiulat kasi ng DOTr na may ilang nagki-kilos protesta sa Sangandaan, Caloocan ang nanghaharang at nambabato umano ng mga jeep na pumapasada.

Sa Commonwealth naman, isang grupo transport group umano ang maninigil ng tig-P2,500 na multa sa mga miyembro na makikitang bumiyahe.

Naka-sentro ngayon ang mga kilos protesta sa Welcome Rotonda, Aurora Blvd., Commonwealth Philcoa, at Elliptical Road, Kalayaan sa Quezon City.