-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na may masasakyan ang mga frontline healthcare workers sa Metro Manila matapos na isinailalim ulit ito ng pamahalaan sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Sa isang Facebook post, sinabi ng DOTr na may libreng pasakay sila sa mga bus para sa mga frontline healthcare workers na papunta sa pinagtatrabahuhang ospital.

Dalawang shifts aniya ang free bus services na ito kada araw, mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi at alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga, sa loob ng 20 ruta sa Greater Manila Area.

Ayon sa DOTr, naging posible ang programang ito sa pamamagitan ng koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Ilang kompanya na rin ng bus ang nakipag-partner sa DOTr para sa libreng serbisyo ngayong umiiral ang MECQ sa Metro Manila.