-- Advertisements --

Umapela sa gobyerno ang Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippones na isama ang mga manggagawa sa vaccination program nito laban sa COVID-19.

Ayon kay Allan Tanjusay, tagapagsalita ng grupo, kasalukuyan nilang pinag-uusapan at isinasapinal ang request sa pamahalaan na alagaan din ang kaligtasan ng mga manggagawa sa bansa.

Sa oras daw kasi na magkaroon na ang Pilipinas ng mura at ligtas na bakuna ay kailangan ding isama sa magiging prayoridad ang mga empleyado.

Lalong-lalo na raw ang mga manggagawa na nasa asektor ng agrikultura, manufacturing at essential services.

Ang mga manggagawa aniya na kasama sa nabanggit na sektor ay pinaka-vulnerable sa COVID-19 dahil na rin sa kanilang exposure sa mga pampublikong lugar. Posible rin umano na maging spreaders sila ng respiratory illness.

Ani Tanjusay, dapat gawing prayoridad ang mga manggagawa kung nais talaga ng gobyerno na maging stable ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Kung sakali naman daw na magkulang ang pondo para isama sa vaccination plan ng pamahalaan ang mga empleyado, ay mas makakabuti umano na i-require ng gobyerno ang mga employer na sagutin o makihati sa babayaran ng kanilang mga empleyado para mabakunahan.