Isinusulong ngayon sa Kamara ng Bayan Muna party-list ang panukalang batas para sa discounted funeral services sa mga mahihirap na pamilya sa buong bansa.

Sa kanilang inihaing House Bill 5249, iminumungkahi ng Bayan Muna party-list na bigyan ng 50 percent discount ang mga indigent families sa funeral services ng mga funeral homes saan man sa Pilipinas.

Subalit ito ay applicable lamang sa At-Need funeral services, at tanging kung ang funeral service ay hindi lalagpas sa minimum package ng funeral home.

Sa ilalim ng panukala, maituturing indigent ang isang pamilya kapag ang kanilang buwanang income ay katumbas lamang ng minimum wage na itinakda sa rehiyon kung saan sila nakatira.

Sinabi nina Bayan Muna party-list Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite, at Eufemia Cullamat, masyadong mahal ang funeral services sa Pilipinas.

Batay anila sa survey na isinagawa ng UP School of Urban and Regional Planning noong 2005, ang average funeral service package sa Pilipinas ay P25,000 habang ang memorial lots sa pampubliko at pribadong sementeryo ay nagkakahalaga naman ng P50,000 per lot package.