KORONADAL CITY – Umabot na sa libo-libong indibidwal ang nananatili ngayon sa evacuation center sa Barangay Raja Muda, Tacurong City habang nagmistulang dagat ang ilang barangay sa lungsod dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na naging sanhi ng pagbaha.
Ito ang kinumpirma ni Barangay Raja Muda Chairwoman Ma. Rhodora Pauya sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon sa opisyal, nagpapatuloy pa rin ang rescue operation sa ilang stranded na residente sa kanilang barangay simula kaninang madaling araw.
Dagdag pa ng opisyal, labis na naapektuhan ang 3 purok sa kanilang barangay na kinabibilangan ng Purok 6 ,Purok 7 at Purok 8 na sa ngayo’y hanggang baywang ang lebel ng tubig.
Aabot naman sa higit 50 ektarya ng pananim na palay na aanihin na sana ang tinangay ng tubig baha.
May mga palaisdaan din na sinira ng malakas na pagragasa ng tubig baha.
Sa ngayon naghihintay nalang umano ng tulong ang mga bakwit galing sa lokal na gobyerno ng lungsod ng Tacurong.
Samantala, umabot naman sa 12 barangay sa bayan ng Banga at halos 10 sa bayan ng Norala, South Cotabato ang binaha rin kung saan ekta-ektaryang palayan din ang nasira, apat na tulay ang nawasak, inanod na mga palaisdaan at mga alagang hayop na namatay matapos inanod ng baha.
Isa na rin ang namatay sa Norala South Cotabato habang isa pa ang missing.