Ikinababahala ng grupong United Broiler Raisers Association (Ubra) ang posibilidad ng displacement o mawalan ng trabaho ang mga mangagawa sa poultry industry sa Pilipinas.
Ito ay isa sa mga pangunahing epekto na nakikita ng grupo dahil sa mataas na bulto ng karne ng manok at iba pang katulad na produkto na inaangkat ng bansa.
Ayon kay Ubra chairman Gregorio San Diego, posibleng aabot ng 31,512 na mangagawa sa sektor ng pagmamanukan ang mawawalan ng trabaho.
Ito ay dahil na rin sa nakikitang job cut sa paggawa ng feeds, trucking, planta, at iba pang aspeto ng pagmamanukan.
Maliban sa mga manggagawa, nababahala ang grupo na maaapektuhan din nito ang mga industriya o kumpanya sa bansa na gumagawa ng pagkain ng manok.
Sa naturang sektor, posible umanong umabot ng hanggang P4.88billion ang lugi.
Ito ay maliban pa sa magiging lugi na abutin sa produksyon ng mga sangkap na kinabibilangan ng mga sumusunod:
1. mais – P11.89 billion
2. soya – P8.15 billion
3. kopra – P4.48
4. darak – P1.13 billion
Dahil pa rin sa labis na pag-angkat ng karne ng manok, pinangangambahan din ng grupo na maapektuhan ang mga pagawaan ng gamot, vitamins, at antibiotics para sa mga manok na maaaring pumalo sa P3.62billion.