BUTUAN CITY – Matapos ang anunsyo ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe na magre-resign na ito sa puwesto, nakasubaybay na ang publiko kung sino ang hahalili sa kanya.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan sa Butuanong si Reuben Cabaluna Jr., matagal nang naninirahan sa Japan kasama ang kanyang pamilya, sa isinagawang mga intra-party negotiations ay tatlong mga pamilyar na mukha ang lumabas na contenders.
Kasama rito si Fumio Kishida na dating foreign minister, dating defense minister at party secretary-general na si Shigeru Ishiba, at si Yoshihide Suga na matagal nang chief cabinet secretary ni Abe na siyang pinakamalakas umano sa tatlo.
Dagdag pa ni Cabaluna, ngayong araw na pipili ng kanilang bagong lider ang dominanteng Liberal Democratic Party kung saan ang mananalo ay iaanunsyo sa Miyerkules, Setyembre 16.