-- Advertisements --

Nagbabahay-bahay na sa ngayon ang mga local government units (LGUs) para sunduin at dalhin sa mga barangay ang mga babakunahan kontra COVID-19, ayon sa League of Provinces of the Philippines

Sinabi ni LPP President at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr. na ginagawa nila ito upang sa gayon ay mas mapalawak pa nila ang rollout ng kanilang COVID-19 vaccination kasunod na rin ng direktiba mula naman sa national government.

Ayon kay Velasco, problema rin kasi ng ilan sa mga residente ang pamasahe papunta sa mga vaccination sites kaya nag-aalangan na lang din na magpabakuna kontra COVID-19.

Kamakailan lang ay inatasan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga LGUs na palakasin ang kanilang kampanya sa COVID-19 vaccination para maabot ang target na 70% ng kabuuang populasyon ay fully vaccinated na ngayong taon.

Sinabi ni Velasco na ang focus ngayon ng national government ay ang pamamahagi ng supply ng bakuna sa mga probinsya matapos na isinaprayoridad ang Metro Manila at iba pag mga lugar na nakakaranas ng surge ng COVID-19 infections sa mga nakalipas na buwan.

Kaya naman sa ngayon inaasahan na buhos na rin ang supply ng bakuna sa Calabarzon, Bicol, Central Luzon, Western Visayas, at Central Visayas regions.