-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga alkalde na mahaharap sa patong-patong na kaso kapag hindi tatalima sa memorandum na inilabas ni Secretary Eduardo Año na kanselahin at itigil na ang pagbibigay ng business permit sa KAPA (Kabus Padatuon).

Ayon kay DILG spokesperson Usec. Jonathan Malaya sa panayam ng Bombo Radyo, sasampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga alkalde kapag hindi susunod sa kanilang kautusan.

Sinabi ni Malaya na naibaba na sa lahat ng mga regional offices at local government units (LGUs) ang direktiba at natanggap na nila ang kanilang mga kopya.

“Hindi karapatan ngunit pribilehiyo lamang. Ibig sabihin puwede ito
marevoke o macancel kung merong kaukulang basehan o may mga nalabag na batas. Ngayon kung meron po tayong mga LGU na hindi tatalima dito, na hindi susunod e puwede po silang mahabla o makasuhan ng DILG. Puwede
ho namin sila maissuehan ng show cause order at puwede ho namin silang kasuhan sa ombudsman at sa iba pang mga korte kasi nga po this is a dereliction of duty. Pangunahin tungkulin po ng ating mga mayor e
pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga constituents at kung ganito na hayagan niloloko ng KAPA ang kanilang mga constituents at wala
silang aksyon ginawa kahit meron nang kautusan ang DILG puwede po
sila managot dyan,”
pahayag ni Malaya.

Mahigpit din ang direktiba ni DILG Sec. Año sa Philippine National Police na tutukan at paigtingin ang kanilang pagbabantay laban sa mga grupo na nasa likod ng mga investment scam.

Hinimok pa ng DILG ang mga alkalde at publiko na agad na magbigay ng impormasyon kung may nalalaman silang grupo o bagong tayong grupo na ganito ang modus ng sa gayon agad itong maaksiyunan.

Panawagan naman ni Malaya sa publiko na huwag nang pansinin ang ganitong mga scam at huwag magpaniwala upang hindi mapunta sa wala ang pinaghirapang pera.

Paliwanag ng DILG usec., na ang paglabas ng DILG ng memo sa LGUs ay layuning masiguro na ipinapatupad ng mga alkalde ang batas.

Sa kaso ng KAPA, responsibilidad ng mga alkalde na i-revoke ang business permit dahil maliwanag kasi sa findings ng Securities and Exchange Commission na ang KAPA ay sangkot sa pyramiding scam.