MANILA – Hindi na raw kailangan hintayin ng local government units (LGUs) ang utos ng Department of Health (DOH) sa pagpapatupad ng panuntunan sa kanilang mga komunidad laban sa COVID-19.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng inaasahang “surge” o pagsipa ng coronavirus cases pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon.

“Ang LGUs have that authority na anytime that they see in one of their areas may tumataas na kaso, they can impose stricter restrictions para lang masugpo kung sakaling tumataas ang kaso sa kanilang lugar,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Una nang sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na kailangang bumuo ng quick response teams ng mga lokal na pamahalaan na magpapatupad ng localized lockdowns.

“Imposing a localized lockdown comes with it several responsibilities. LGUs must be ready to enforce stringent health protocols, aggressively conduct contact tracing, testing, and isolation to contain and prevent the spread COVID-19 in the lockdown areas, among others,” ani Interior Sec. Eduardo Año.

Sa ngayon binabantayan pa rin daw ng Health department ang sitwasyon ng COVID-19 transmission sa bansa. Tiyak naman umano na maglalabas ng update ang pamahalaan sa quarantine classification ng bansa bago matapos ang 2020.

Nilinaw lang ni Usec. Vergeire na may pinagbabantayan ang kanilang hanay sa pagbibigay rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force (IATF).

“Ito ay base sa health system capacity, at number of cases. So pag nakakita tayo na umabot sa level na makakapag-sabi na ito na dapat ang community quarantine, we will do that.”

“Next week makikipagusap kami sa IATF, ipe-present namin sa kanila ang aming current situation, yung classication ng areas sa bansa para makapag-desisyon.”

Nitong araw sinabi ng OCTA Research Group na nagsimula nang sumirit ang pagkalat ng COVID-19 sa Metro Manila at ilang “high risk” areas ng bansa.