Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga local government units (LGUs) na mayroon pa ring evacuees, na tiyaking naipapatupad ang symptoms screening para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya matapos lumabas ang ulat na may isang evacuee ng Marikina City ang nag-positibo sa COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, wala pa silang hawak na impormasyon kung bago dahil sa evacuation center ay may sakit na ang nasabing confirmed case.
Pero paalala ng opisyal, dapat bago dinala sa evacuation center ang indibidwal ay nasuri muna kung may sintomas ng sakit.
“Hindi natin alam kung nung dinala siya sa evacuation center ay may sakit na siya, basta ang sintomas ay na-screen bago ipasok sa evacuation center and there is regular monitoring.”
Naniniwala si Usec. Vergeire na maayos namang nakapag-patupad ng panuntunan ang lokal na pamahalaan ng lungsod dahil agad nilang nilagay sa isolation ang sinasabing indibidwal.
“Noong siya ay nagkaroon ng paghirap sa paghinga, ito ay agad namang nakita ng local, safety officer natin diyan sa Marikina at dinala doon sa ospital na malapit where he is tested.”
Lumakad din daw agad ang contact tracing ng LGU, kung saan natukoy ang 17 close contacts ng confirmed case.
Batay sa tala ng Marikina LGU, limang evacuees na ng lungsod ang nag-positibo sa COVID-19.
Pero nilinaw ni Mayor Marcelino Teodoro, stable ang kondisyon ng confirmed cases at walang sintomas. Nagpapagaling pa raw sila sa quarantine center.
Tapos na rin umano ang kanilang surveillance at negatibo sa COVID-19 ang close contacts ng nasabing mga kaso.