Hinikayat ngayon ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez ang mga local government units (LGUs) na bumuo ng mga ordinansang susuporta sa planong “no vaccine preference policy.”
Ito ay para i-discourage daw ang publiko na pumili ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine na gusto nilang maiturok.
Ayon kay Galvez, bahagi raw ito ng pagsisikap ng pamahalaan na maabot kaagad ang 70 percent vaccination coverage na 54 million sa katapusan ng buwan ng Nobyembre.
Magsisilbi raw itong preview habang itinutulak nilang ang mandatory vaccination lalo na sa mga tinatawag na highly vulnerable at mga residenteng nakatira sa high-density populations.
Dagdag ni Galvez, ipinag-utos na rin daw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local governments units na ipamahagi na ang mga COVID-19 vaccines sa pamamagitan ng “most expeditious manner.”
Habang nagpapatuloy naman daw ang pagbabakuna sa mga minors na edad 12 hanggang 17-anyos, ipinaalala ni Galvez sa mga LGUs na iprayoridad pa rin ang mga highly vulnerable individuals sa naturang virus na kinabibilangan ng mga senior citizens at persons with comorbidities.
Sa ngayon, nasa 37,355,164 individuals o 48.43 percent na ng target population ang nakatanggap ng bakuna base sa datos noong Nobyembre 4.
Nasa kabuuang 62,474,334 na ang naturukan ng covid vaccine at ang 28,718,856 ang fully vaccinated.
Katumbas ito ng 37.23 percent ng target population na nais mabakunahan sa bansa.