-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinabeberipika ni Virac, Catanduanes Mayor Sinforoso Sarmiento Jr. ang mga lumalabas na impormasyon na iilang medical laboratories lamang sa bayan ang may lisensya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sarmiento, natalakay ito sa isinagawang Solid Waste Management Board meeting na isa sa mga requirement ang maayos na pagpapamanihala ng medical wastes bago maisyuhan ng lisensya sa operasyon ang isang laboratoryo.

Nahukay ang nasabing isyu matapos ang reklamo laban sa Excel Care Diagnostic & Wellness Center, Inc. sa Brgy. Concepcion na itinuturong nasa likod ng tambak ng medical wastes na itinapon sa baybayin.

Wala pang natatanggap na pormal na paliwanag ang alkalde mula sa pamunuan ng nasabing laboratoryo subalit humingi na si Sarmiento ng tulong sa Licensing Division sa paglilinaw.

Anumang lumutang sa imbestigasyon, kukumpletuhin lamang ang mga dokumento upang makapaghain ng reklamo sa posibleng pananagutang legal.

Samantala, aminado ang alkalde na nahihirapan ang bayan sa istriktong pagpapatupad ng solid waste management subalit lubos ang pasasalamat sa tulong ng mga kababayan na itinuturing na “eco-warriors”.