-- Advertisements --

Mismong ang malapit sa pangulo na si Sen. Bong Go na ang nagsabi na target ni Presidente Rodrigo Duterte na magpatupad ng convention para sa mga miyembro ng LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, and queer) community nang mapagusapan ang mga issue at concerns ng naturang sektor.

Ayon kay Go, plano ng pangulo na magpatawag convention para sa mga LGBTQ sa Setyembre para mapakinggan umano ang boses at mga hinaing ng komunidad.

“Talagang pantay-pantay ang tingin ni Pangulo sa mga LGBTQ, at soon, maybe next month po, ay magpapatawag po ng LBGTQ convention si Pangulong Duterte para mapakinggan po lahat ng kanilang mga hinanaing at pwede rin po silang mag-contribute ng mga suggestions po nila.”

Kung maaalala, hinarap ng pangulo sa isang meeting ang ilang advocate ng sektor gaya ni Bubsie Sabarez at Bataan Rep. Geraldine Roman, kasama ang kontrobersyal na transwoman na si Gretchen Diez.

“Ito pong LGBTQ convention, para sa lahat ng gustong mag-suggest, mapakinggan, maipaglalaban ang kanilang karapatan, welfare ng bawat LGBTQ.”

Sa ilalim ng panukalang convention, mabibigyan ng pagkakataon ang bawat miyembro ng LGBTQ community sa mga rehiyon na magsalita at magbato ng mungkahi para maprotektahan ang kanilang karapatan at pagkakapantay-pantay. Tiyak din daw na dadalo rito ang pangulo.

Umaasa nama ang hanay ni Sanchez na mabibigyan sila ng pagkakataon na makausap ng masinsinan ang presidente para matalakay ang panukalang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality bill.

“Faustino ‘Bubsie’ Sabarez requested me last Saturday kung pwede raw po ba nila makausap si Pangulong Duterte at mapakinggan naman ang kanilang mga hinaing, and they were so happy na pinakinggan raw sila ni Pangulong Duterte at inaaasahan po nila na hindi na po matutulog itong kanilang isinusulong na batas.”

“Sabi naman ni Pangulo, full support po siya, lalong lalo na sa anti-discrimination law,” Go said adding that Davao City is one of the first cities in the country which implemented its own anti-discrimination law.

Dagdag pa ng senador, posibleng maglabas ng executive order si Duterte para buohin ang LBGTQ Commission habang hinihintay ang pagpasa ng panukalang batas.

“Sa ngayon po ay full support po si President Duterte sa SOGIE bill. Hintayin lang po yung posisyon niya, magpapadala po siya ng position paper niya, and maybe he will sign an executive order creating an LGBTQ commission while waiting for the SOGIE bill to be passed in Congress.”

Sakaling matuloy ang pagbuo ng komisyon, mas mabibigyan umano ng pagkakataon ang LGBTQ community na pag-aralan ang mga plataporma na nais isulong komunidad sa Kongreso.