-- Advertisements --

Inihayag ng beteranong ekonomista na si House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda ang kanyang suporta kay presidential candidate Leni Robredo at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio.

Bagama’t galing mula sa magkaibang partido, at may kanya-kanyang running mate sa 2022 polls, sinabi ni Salceda na pareho lamang sina Robredo at Duterte-Carpio na kilala sa pagiging “judicious and effective” sa paggamit ng public resources na hinawakan ng mga ito.

Kapwa matagal na rin niyang kaibigan ang dalawa, at napag-aralan na rin niya ang mga plano ng mga ito para sa taumbayan, sa bansa, at para sa hinaharap ng sambayanang Pilipino.

Marso noong nakaraang taon nang inihayag ni Salceda ang kanyang suporta para kay Duterte-Carpio sa isang international forum.

Pagkatapos niyang ginawa ito, sinabi ni Salceda na sumipa ang local stock market, bagay na kailangan aniya sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Ngayong ang kanyang partido na PDP-Laban ay wala namang inanunsyong susuportahan na kandidato sa pagkapangulo, sinabi ni Salceda na malaya silang pumili sa kung sino ang kanilang susuportahan sa naturang posisyon, kaya si Robredo aniya ang kanyang napupusuan para rito.

Iginiit ni Salceda na ang Leni-Sara tandem ay hindi “hostile” combination.

Sa katotohanan, bitbit ng dalawa ang napakaraming karanasan para sa ikakaunlad ng bansa.

Nang matanong si Salceda sa isang pulong balitaan kung bakit si Leni ang kanyang sinusuportahan kaysa ang ka-tandem talaga ni Duterte-Carpio na si dating senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, sinabi ng kongresista na ang Bise Presidente ay may malinis na track record bukod pa sa 14 na taon nitong pagtatrabaho sa isang non-government organization.

Ayon kay Salceda, nakausap niya si Duterte-Carpio hinggil sa endorsement niyang ito pero wala aniyang tugon ang alkalde ng Davao patungkol dito.

Samantala, ginagalang naman aniya ng kampo ni Robredo ang pasya niyang ito.