LEGAZPI CITY – Nakapagtalaga na ang city government ng Legazpi ng cold storage facility na gagamitin sa pagtatago ng mga bibilhing bakuna laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Noel Rosal, inihahanda na ang pasilidad sa Barangay Bonot na pagmamay-ari ng Glacier Liberty Refrigeration Services at inupahan ng lungsod.
Kayang mag-accomodate ng storage room ng nasa dalawang milyong doses ng bakuna na sasapat sa mga residente ng Legazpi.
Ayon sa official website ng korporasyon, kabilang sa specifications ng warehouse ang apat na freezer rooms sa below -18 degree Celsius na temperatura, isang chiller room sa 0 degree Celsius hanggang 5 degree Celsius na temperatura, blast freezer na may -35 degree Celsius hanggang -40degree Celsius temperature na isang tonelada ang kapasidad.
Kabilang pa ang isang ante room sa 1degree Celsius hanggang 5 degree Celsius, 2,000 pallets positioning capacity, apat na plug-in slots at anim na loading bay doors.
Ayon kay Rosal, nakipag-ugnayan na rin sa ibang local government units sa Albay na uupa sa pasilidad para sa bibilhing bakuna.
Sa ngayon, ang COVID-19 vaccine na gawa ng mga kompanyang Astrazeneca at Moderna ang target ng lokal na pamahalaan na bilhin para sa ilulunsad na immunization program.
Tiniyak naman ng alkalde na may sapat na pondo na ang lungsod na pambili sa mga bakuna lalo pa’t anumang sandali ay maaari na itong dumating.