-- Advertisements --

Kahit ang Pangulong Rodrigo Duterte na ang mismong nagsabing hindi makakalabas sa bilangguan si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez, nais pa ring siguruhin ng pamilya ng biktimang si Eileen Sarmenta na hindi makakalabas sa bilangguan ang pangunahing akusado sa krimen.

Ayon sa ina ni Eileen na si Maria Clara Sarmenta, gagawa pa rin daw sila ng petisyon at request na hindi dapat makalabas ng bilangguan ang dating alkalde na humalay sa kanyang anak.

Aniya, kokonsulta raw muna sila sa kanilang abogado dahil nais nilang pormal na maisampa ang kanilang hirit sa korte.

Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni ginang Maria Clara na mistulang nakahinga siya ng maluwag dahil sa naging pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Todo pasalamat din ang nakatatandang Sarmenta, sa naging pahayag ng Pangulong Duterte na hindi dapat palayain ang dating mayor at sa halip dapat mabulok sa bilangguan.