BOMBO DAGUPAN – Malaking tulong sa pagbabalik noon ng suplay ng kuryente ang mga ginawang proyekto sa administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Ito ang patotoo ni dating Sual Mayor Roberto Bing Arcinue sa naiwang legasiya ni Ramos sa bansa kasabay ng pagdadalamhati sa kanyang pagpanaw noong araw ng linggo dahil sa COVID-19 complications.
Ayon kay Arcinue, ang pagpapatayo noon ng Sual Coal Powerplant at ng San Roque Dam ang mga proyekto ni FVR na naging daan sa pagkakaroon ngayon ng stable na suplay ng enerhiya sa buong bansa.
Aniya, ang mga proyektong ito ang pinakamalaking proyekto noon sa lalawigan ng Pangasinan at wala pang sinumang public officials noon ang nakagawa ng mga ito.
Sa pagkakaroon ng powerplant at dam sa probinsya, nagbigay ito ng oppurtunidad para sa trabaho at gayundin ang pagkakaroon ng kuryente at patubig sa komunidad sa malaking bahagi ng bansa.
Sa katunayan napondohan pa ng nasa 1.2B US dollar ang naturang powerplant habang nasa 1.2B US dollar naman sa nabanggit na dam.
Aniya natutukan ng maigi ni Ramos ang mga naturang proyekto at ito umano ang ilan mga maraming nagawa ni Ramos sa kanyang panunungkulan.