-- Advertisements --

Hindi natuloy ang Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC meeting kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga mambabatas ayon kay Senadora Imee Marcos.

Nagkaroon daw kasi ng hiwalay na executive session ang pangulo kasama ang liderato ng Senado at Kamara. Ito ay sa gitna ng hindi pagkakasundo ng parehong kapulungan hinggil sa people’s initiative.

Kinumpirma rin ni Senador Joel Villanueva na na-postponed ang LEDAC dahil nagkaroon sila ng executive session sa presidente.

Ito ang unang pagkakataon na magkahiwalay na pinulong ni Presidente Marcos ang lider ng Kongreso at Senado.

Para kay Senadora Imee, hindi raw magiging hadlang ang senado sa pagpasa ng mga batas gayundin sa pag-amyenda ng konstitusyon tungo sa ikabubuti at ikauunlad ng bayan.

Una na rito, nanawagan si Senador Koko Pimentel na mag step in na si Presidente Marcos para umano maiwasan ang legislative crisis.

Naniniwala rin sina Senador Pimentel at Senador Bato Dela Rosa na si Speaker Martin Romualdez ang nagtutulak sa people’s initiative dahil may hidden agenda umano ito subalit mariin naman itong itinanggi ni Romualdez.