-- Advertisements --
image 508

Nagbabala ang isang eksperto sa patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig sa baybayin ng Metro Manila.

Simula noong 1900s, ang National Aeronotics and Space Administration ay nagtala ng average na 3.4 millimeter global sea level rise taun-taon.

Pero ang lebel ng dagat sa Metro Manila ay tatlong beses na mas mataas. Sa loob ng anim na dekada, ang antas ng dagat sa kahabaan ng rehiyon ay tumaas ng 0.8 metro.

Paliwanag ni Engr. Dennis Bringas, National Mapping and Resource Information Authority’s chief ng Physical Oceanography Division, maliban sa global warming na nag-aambag sa pagtaas ng lebel ng dagat, ang dahilan sa likod ng pagtaas ng antas ng tubig sa Metro Manila ay gawa ng tao.

Aniya, isa sa mga rason ay ang mga itinayong buildings na nagresulta sa pagkakaroon ng mga deepwell. Sa bigat aniya ng mga gusali at ng populasyon ay nag-ambag ito sa subsidence.

Kabilang pa raw sa mga dahilan ay ang deforestation, water impoundments at pagbabago ng mga landscape.

Bagama’t marami ang nananatiling nakakalimot sa mga mapaminsalang epekto ng pagtaas ng tubig, sinabi ni Bringas na hindi magtatagal ay mapapansin na rin ito.

Aniya pa, ang pinakamalaking epekto nito, ay ang pag-alis ng mga komunidad na naninirahan malapit sa dagat.

Posible pa raw maapektuhan ang mag kabuhayan at maging economic problem ng gobyerno ang pagre-relocate sa mga ito.

Sa nakalipas na 76 na taon, ang tubig sa Legaspi ay tumaas ng average na 6 millimeters kada taon. Sa Davao, ang figure ay 3.6 millimeters. Habang nagtala naman ang Cebu ng pinakamababang average na pagtaas sa 1.2 millimeters.

Panawaga ni Bringas na dapat magtulungan ang lahat ng sektor ng lipunan upang maantala, kung hindi man tuluyang matigil ang pagtaas ng lebel ng dagat.