Malaki ang naitulong ng ulan na ibinuhos ng Bagyong Tisoy para tumaas ang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Ayon kay Pagasa hydrologist Danilo Flores, tumaas ng 4.5 meters ang water level sa Angat Dam, na nagsisilbong pangunahing source ng tubig sa Metro Manila.

Subalit bagama’t umakyat na sa 193.37 meters ang tubig sa naturang dam, malayo pa rin ito ayon kay Flores sa ideal na 210-meter level.

Bukod dito, sinabi rin ni Flores na sa susunod na dalawang araw, inaasahan ng Pagasa na marami pang tubig ang dadaloy sa reservoir sa Bulacan sa Central Luzon.

Inaabisuhan nito ang mga residente sa Metro Manila at mga kalapit na lugar na kumukuha ng supply ng tubig sa Angat Dam na huwag magsayang ng tubig.

Bagama’t inaasahan daw kasi ng state weather bureau na may isa pang bagyong tatama sa bansa ngayong Disyembre, wala naman aniyang katiyakan na dadaan ito sa Angat watershed.