-- Advertisements --

Inihayag ni Senator Pia Cayetano na simula sa susunod na quarter ay paghahatian na ng dalawang estudyante mula sa pampublikong paaralan ang isang self-learning module.

Sa paghimay ng senado sa proposed P562 billion budget ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2021, ipinaliwanag ng senador na sa first quarter lamang gagawin ang 1:1 ratio ng mga modules.

Sa oras na tapos na ang estudyante na gamitin ito ay saka ibabalik sa eskwelahan para i-disinfect at ipahiram naman sa susunod na mag-aaral.

Ginagawa umano ng DepEd ang lahat ng kanilang makakaya upang siguruhin na nagagamit ng maayos ang kanilang pondo kung kaya’t napagdesisyunan ng kagawaran ang 1:2 ratio.

Magugunita na ipinagbawal ang face to face learning ngayong taon dahil sa nagpapatuloy na banta ng coronavirus disease.

Base sa school calendar ng DepEd, ang first quarter ay magtatapos sa Nobyembre 28, habang ang second quarter naman ay tatakbo mula Disyembre 1 hanggang Pebrero 6, 2021.

Ang last quarter naman ay matatapos sa Hunyo 5 sa susunod na taon.

Tiwala naman ang senadora na kayang itawid ng DepEd ang 1:2 ratio sa pamamagitan ng kanilang kasalukuyang budget.