Suportado ng Leage of Municipalities of the Philippines – Cagayan Chapter ang pagtatatag ng mga base militar ng Amerika sa ilang bahagi ng Pilipinas sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Sa gitna ito ng kaliwa’t kanang kilos protesta ng iba’t ibang grupo na tumutuligsa sa naturang hakbang, at mariing pagtutol na rin ni Cagayan Gov. Manuel Mamba sa pagtatayo ng EDCA sites sa kanilang lugar.
Batay sa inilabas nitong resolusyon na may petsang Pebrero 15, 2023 na nilagdaan ng mga alkalde ng probinsya ng Cagayan bilang pagpapahayag nito ng suporta sa pagtatayo ng mga EDCA sites sa nasabing lalawigan.
Nilalaman ng naturang resolusyon ang ilan sa mga paliwanag ng League of the Municipalities of the Philippines – Cagayan Chapter ukol dito kabilang na ang iba’t ibang serbisyong maihahatid ng EDCA sa lalawigan tulad ng mas pagpapabilis pa sa paghahatid ng humanitarian assistance at climate-related disaster response, at pagpapanatili ng seguridad at kapayapaan sa Cagayan Province bilang isang strategic location.
Ang EDCA ay isang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos na layuning mas paigtingin pa ang pagpapatupad ng Mutual Defense Treaty ng dalawang bansa, at pagbutihin pa ang interoperability, at Capacity Building modernization ng Armed Forces of the Philippines na magpapatatag pa sa external defense, maritime security, maritime domain awareness at Humanitarian Assistance and Disaster Response sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
-- Advertisements --