Pinatawan ng Korte Suprema ng suspensiyon ang isang law professor mula sa Xavier University sa Cagayan de Oro City dahil sa sexual harassment sa kanyang mga estudyante.
Sa desisyon ng Supreme Court (SC) en banc, sinuspinde nito si Atty. Cresencio P. Co Untian Jr ng limang taon sa pag-practice ng abogasya at 10 taon sa pagtuturo sa alinmang law school.
Ang kaso ay nag-ugat mula sa reklamo ng tatlong law students laban kay Co Untian.
Ayon sa isang estudyante, pinadalhan siya ng mga bulaklak at ng mga romantic text messages at love notes ni Co Untian at niyaya rin na pumunta sa Camiguin na kanyang tinanggihan.
Ang isa namang law student ay inireklamo ang pagpapakita sa kanya ni Co Untian ng larawan ng isang hubad na babae na kamukha niya at pagtukso sa kanya ukol dito sa harap ng ibang mag-aaral.
Sinabi rin ng nasabing estudyante na nagdulot ito sa kanya ng depression at hindi siya nakasali sa moot court competition dahil hindi siya nakapag-practice dahil hindi siya makatigil sa kakaiyak.
Pinaratangan din ng isa pang estudyante si Co Untian ng paggamit ng sexually charged language para tumugon sa sagot niya sa isa nilang class recitation at pagkuwento pa ng propesor sa iba pa nitong klase ukol sa kanyang naging kahihiyan.
Ayon sa SC, malinaw na sexual harassment ang naging aksiyon ni Co Untian sa kanyang mga estudyante at nabastos at napahiya ang tatlo sa mga ginawa ng law professor.