-- Advertisements --
image 441

Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na umabot na sa mahigit dalawang kilometro ang lava flow sa Bulkang Mayon mula sa crater nito.

Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng PHIVOLCS, naobserbahana ang napakabagal na pagbuga ng lava flow ng bulkan sa Mi-isi gully na umabot na sa 2.1km ngayong araw mula sa dating 1.6km na una nang naitala ng kagawaran.

Habang nasa 1.3km naman na ang lava flow na naobserbahan sa Bonga gully mula sa dating 1.2km na una na ring itinala.

Nakitaan din ng moderate emission ng plumes ang Bulkang Mayon mula sa 800m na ngayon ay nasa 1000 meters na may direksyong west-northwest, north-northwest, at northeast.

Habang nasa kabuuang 296 rockfall events, pitong dome-collapse pyroclastic density current events, at dalawang lava front collapse pyroclastic density current events ang naitala sa Mayon.

Nagbuga rin ang naturang bulkang ng hanggang 595 tonelada ng sulfur dioxide, at namataan din ang pagguho ng lava sa Mi-is at Bonga gullies sa loob ng 3.3 kilometro mula sa crater nito.

Dahil dito ay nananatili pa ring nakataas sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon dahil sa bantang maaaring idulot ng nagpapatuloy na aktibidad nito.

Nagbabala rin ang PHIVOLCS na ang malakas na pag-ulan ay maaaring makabuo ng channel-confined lahar at sediment-laden streamflows sa mga channel kung saan nakalagay ang mga deposito ng pyroclastic density currents.

Idinagdag nito na dapat iwasan muna ng mga piloto ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil ang abo mula sa anumang biglaang pagsabog ay maaaring mapanganib sa mga sasakyang panghimpapawid.

Samantala, batay sa kasalukuyang umiiral na pattern ng hangin, sinabi ng PHIVOLCS na posibleng mangyari ang ash fall events sa timog na bahagi ng bulkan.