CEBU CITY — Magmamakaawa ang mayor ng Lapu-Lapu City kay Cebu Governor Gwendolyn Garcia upang hindi ituloy ang pagputol ng kontrata ng Provincial Government at ng Manila Water Consortium, Inc.

Ito’y matapos na nagdesisyon ang gobernadora na i-revoke ang kontrata nito sa Manila Water nang dahil umano sa mga paglabag nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Lapu-Lapu City Mayor Junard “Ahong” Chan, sinabi nito na nahirapan sila sa paghahanap ng ibang water source lalo na’t aabot sa 60,000 cubic meters ng tubig ang kinokonsumo ng naturang lungsod araw-araw.

Ayon kay Chan na kulang sa kanila ang 35,000 cubic meters ng tubig na sinu-supply ng Metropolitan Cebu Water District (MCWD) upang matugunan ang kinakailangan nilang konsumo.

Iginiit ng alkalde na kung itutuloy ni Gov. Garcia ang pag-revoke ng kontrata sa Manila Water, apektado ang ekonomiya at kalagayan ng kanyang mga kababayan sa naturang lungsod.

Napag-alamang naghain si Garcia ng Notice of Breach sa Manila Water nang dahil umano sa “unauthorized changes” sa kanilang joint investment agreement.

Sa naturang agreement, nagsu-supply ang Manila Water Consortium, Inc. ng milyun-milyong litro ng tubig na ginagamit ngayon ng mga consumers sa lalawigan ng Cebu.