Pinag-aaralan ngayon ng Land Transportation Office (LTO) na babaan ang ipinapataw na P5,000 multa sa mga hindi rehistradong top boxes at saddle bags sa mga motorsiklo.
Ito ay kasunod ng natanggap na reklamo ng ahensiya mula sa ilang motorista.
Una na ring ipinag-utos ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III ang suspensiyon ng paghuli sa mga motorsiklo na may unregistered top boxes at saddle bags o hindi sumusunod sa safety parameters na itinakda ng LTO.
Ang suspensiyon ay layon na maamyendahan o muling mapag-aralan ang memorandun ng LTO hinggil sa Guidelines on Inspection and Apprehension Relative to Motorcycle Top Boxes and Saddle Bags na nauna ng inisyu noong March 2016.
Liban pa dito, namumultahan din ng P5,000 ang mga motorista na mayroong customized o top boxes at saddle bags na labag sa safety parameters ng Department of Trade and Industry (DTI) at LTO.
Tiniyak naman ng LTO chief sa publiko na sila’y babalangakas ng mas abot-kaya at practical na ipapataw na multa para sa paglabag.
Umapela din ang LTO sa mga motorista na iparehistro ang kanilang top boxes at saddle bags para matiyak ang kaligatasan pareho ng mga motorista at ng publiko.